Atangya: Ang Itim na Salot

palay na maaring mapinsala ng atangya

Sinisira ng atangya ang isa sa mga natatanging hilig ng mga Pilipino—ang pagkain ng kanin.

Gaano nga ba kahilig ang mga Pinoy sa pagkaing ito? Tignan mo ang sumusunod na sitwasyon.

Sa isang okasyon na dinadaluhan ng mamayan mula sa iba’t ibang dako ng mundo, mula sa Europa hanggang Asya, paano mo malalaman kung sinu-sino ang Pilipino?

Simple lang ang paraan para matukoy ang mga Pinoy. Maliban sa panglabas na anyo, pwede mo ring hanapin kung sino man ang mayroong sandamakmak na kanin sa plato—malamang sa malamang ay Pinoy ito.

Sa kasamaang palad, may kaagaw ang mga Pilipino sa pagkaing ito—ang mga atangya. Ang totoo niyan ay nanganganib na bumaba ang supply ng bigas sa bansa dahil sa pesteng ito, na matindi ang hilig sa kanin o palay.

Halos hindi na maiiwasan ang pagkakaroon ng mga iba’t-ibang uri ng peste sa kahit na saang lugar.

Ang mga tiyak na lugar kung saan madalas dumayo at mamahay ang mga peste ay sa mga lugar kung saan maraming pananim. Mas lalong dumadayo ang mga peste kung ang mga pananim ay mga maaaring kainin, kagaya na lang ng mga gulay, prutas, at mas lalung-lalo na kung ang pananim ay palay.

Mayroong isang natatanging peste ang kilalang-kilala dito sa Pilipinas dahil sa nakaka-alarmang pinsala na naidulot nito sa mga palayan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang mapaminsalang pesteng ito ay walang iba kung hindi ang atangya. Sa wikang Ingles ay kilala ito bilang Rice Black Bug o RBB.

Tulad ng bawat peste, ang atangya rin ay may iba’t-ibang natatanging katangian na naiiiba sa iban pang uri ng mga insekto o peste.

Kaya naman kung interesado kang mas kilalanin pa itong mapaminsalang pesteng ito, ituloy mo lang ang pagbabasa nitong artikulong!

Sa post na ito ay matatagpuan mo ang lahat ng impormasyon tungkol sa atangya.

Ano ang atangya at ano ang mga katangian neto?

tatlong atangya

Source: LSU AgCenter

Kilala at tinatawag ang atangya sa wikang Ingles na Rice Black Bug dahil ito ay kulay itim.

Madalas makita sa mga palayan ang pesteng ito dahil sa kanilang natatanging kagustuhan sa mga palay. Ngunit, maging sa ibang lugar tulad ng sahod-ulan, katihan, o kaya naman maging sa mga matataas na lugar, ay nagagawa pa ring makapaminsala ng mga atangya sa ibang mga halaman.

Nagsisimulang umatake ang mga Rice Black Bugs sa ugat ng palay at unti-unting umaakyat patungo sa tangkay hanggang sa umabot na ito sa mga dahon.

At kagaya ng ibang mga insekto ay mayroon rin na iba’t-ibang yugto ang buhay ng mga atangya.

Ano ang mga yugto ng buhay ng mga atangya?

Ang insektong ito ay may 3 yugto sa kanilang buhay.

Itlog

Kagaya ng ibang insekto, magsisimula muna ang atangya bilang isang itlog, at tumatagal ito sa loob ng kanyang takip nang halos tatlo hanggang limang araw bago ito tuluyang mapisa.

Ang pisikal na katangian ng kanilang itlog ay may haba na 1mm lamang. Sa umpisa, ito ay mayroong berdeng kulay. Kalaunan naman ay paunti-unting nagiging kulay rosas ito; ang pag-iiba ng kulay ay nagpapahiwatig na malapit ng mapisa nang kusa ang itlog. Pagkatapos nito ay lalabas-labas na ang mga atangya.

Makikita ang mga itlog ng nasabing peste na naka-linya sa mga dahon ng palay.

Nimpa

Eto ang pangalawang yugto sa buhay ng isang atangya pagkalabas nito sa kanyang itlog. Sa wikang ingles ay tinatawag etong nymph.

Sa yugtong ito ay mayroong natatanging kayumangging kulay ang nimpa. At kada apat o limang araw naman ay may paghuhunos na nangyayari sa balat nito.

Halos 25 hanggang 30 araw muna ang lilipas bago tuluyang maging ganap na magulang ang atangya.

Magulang

Kapag magulang na aNg isang atangya, magkakaroon na ito ng mga marka sa kaniyang likod na tila manilaw-nilaw ang kulay.

Dahil ito na ang kahuli-hulihang yugto ng buhay ng isang atangya at dahil magulang na siya, kailangan na nitong magparami. Kaya naman, maaaring mangitlog ang pesteng ito nang halos hanggang tatlong beses at tatagal ang kanilang buhay ng halos 22 na araw.

Kapag ang pesteng atangya ay umabot na sa magulang na yugto, magkakaroon na ng pagkakaiba ang pisikal na katangian ng babae mula sa mga lalakeng atangya.

Isang katangian ng mga magulang na atangya bilang insekto ay ang kanilang mabilis na paglipad.

Sa loob ng isang araw, lumalabas lamang sila sa mga oras na hindi malakas ang sikat ng araw, tulad ng sa umaga at sa hapon.

Ito ang kinabihan ng babae at lalaking atangya.

Babae

Masasabi na ang isang magulang na atangya ay isang babae kung eto ay mas malaki kaysa sa ibang atangya. Kapansin-pansin rin na bilugan ang hugis nito at tila nakausli ang kaniyang tiyan.

Lalaki

Sa kabilang dako, ang mga lalaking atangya naman ay mas payat at nakapiyaot ang tiyan, ‘di tulad ng sa babaeng atangya.

Isang kamangha-mangha at nakakagigimbal na katangian ng mga atangya ay ang abilidad nito na makapinsala sa mga pananim na palay kahit na ito ay nimpa pa lamang.

At kapag nakakaramdam naman sila ng panganib ay maglalabas o magpapasingaw sila ng mabahong amoy na kasuklam-suklam bilang pangdepensa.

Pinsala ng mga Atangya

palay

Kung ang ibang peste na makikita sa bahay ay maaaring magdulot ng sakit sa mga tao, ang atangya naman ay umaatake ng mga pananim na palay.

At dahil sa pagkawala ng katas ng palay ay nagkakaroon ng masamang epekto ito sa pangkabuuang kalagayan ng kalusugan ng mga palay, pati na rin ang iba’t ibang parte nito.

Eto na rin ang mga iba’t-ibang elemento ng palay na dapat tignan para malaman kung nagpapahiwatig ang mga palay na sila ay nabiktima na ng mga mababangis na atangya.

Uhay

Kapansin-pansin na nagkakaroon ng mga uhay na kulay puti, na tinatawag nalamang na uban.

Butil

Ang karamihan rin ng mga butil ng palay ay kapansin-pansin na lumiliit o umi-impis ang laki kapag tumagal. Dagdag pa sa pagbabago sa laki nito, ay tila nanunuyo rin ang mga palay; ito ay dulot sa labis na pagsipsip ng mga atangya sa katas ng mga palay. Ang tawag sa ganitong epekto sa wikang ingles ay bugburn.

Dahon

Malinaw ring makikita na ang mga dahon ng palay ay nagiging bansot, at nagbabago ang kulay hanggang sa maging manilaw-nilaw o kaya naman ay namumula na may bahid rin ng kulay kayumanggi.

Suwi

Ang mga suwi naman ng palay ay unti-unting nagiiba ang kulay at nagiging kayumangi. Etong pagbabago ng kulay ng suwi ay tila nagpapahiwatig ng patay na suwi, o sa wikang ingles ay tinatawag na “deadheart”.

Kapag umatake ng labis-labis ang mga atangya ay tiyak na patay ang mga palay at mga halaman na nasa paligid nito.

At dahil sa kanilang pag-atake ay naapektuhan rin ang pangkabuuan na produksyon ng isang palayan dahil karamihan ng mga butil ay namatay na nang tuluyan kaya naman ay kakapiranggot na lamang ang matitinong butil na maaring maani at mabenta. Kung nabuhay man lahat ng butil sa isang uhay, asahan nang hindi magiging matino ang pagtubo nito at magiging manipis na lamang.

Sa sobrang tindi ng atake ng mga atangya ay kayang-kaya nilang pababain ang pangkabuuang ani ng 15% hanggang 23% kahit na sampu lamang na piraso ng atangya ang namemeste sa kada isang tangkay ng palay.

Kailan ang panahon ng pag-pinsala ng mga atangya?

atangya sa palay

Source: LSU AgCenter

Kapansin-pansin na umaatake at pumipinsala ang mga atangya sa lahat ng yugto ng paglago ng mga palay, mula pa sa pagkakatanim hanggang sa pag-hinog.

Ngunit kahit na sumasalanta ang mga atangya halos sa buong yugto ng pagtanim ng mga palay, may mga natatanging yugto rin na kapansin-pansing mas malala ang pagsalanta ng mga atangya sa mga tanim na palay.

Simula sa pagkakatanim ng palay hanggang sa ganap na paghinog neto ay tila mas matindi ang pinsalang naidudulot ng mga atangya.

Insidente ng Atangya sa Pangasinan

Ang pinakaunang naibalitang insidente ng pag-atake ng mga atangya ay noon pang 1979 at 1982. At naitala noong panahong iyon na umabot sa halos 4,200 na ektarya ng bukirin ang napinsala ng nasabing peste.

Nagkaroon naman ng tala ng pag-atake ng nasabing peste sa Mindanao na siya namang umabot hanggang sa bandang Bicol noong taong 2000.

Ngunit noong mga huling buwan ng taong 2017 ay nagdulot ng nakakaalarmang pinsala ang Rice Black Bug sa mga palayan sa probinsya ng Pangasinan.

Sa sobrang tindi ng pinsalang naidulot ng mga Rice Black Bugs sa mga palayan ng Pangasinan ay muntikan nang makompromiso ang posisyon ng lalawigan bilang nangungunang tagapag-ani ng palay sa buong bansa.

Naitala na umabot sa halos limampung ektarya ng palayan ang napinsala ng atangya. Ang lawak na iyon ay naghahalaga sa halos pitumpung porsyento ng kabuuang ani at naapektuhan ang kabuhayan ng 100 magsasaka.

Paano mapapamahalaan ang mga atangya?

hilaw na bigas

Mapanganib, mabangis, at mapaminsala man ang mga peste, ngunit napupuksa rin sila, lalung-lalo na kapag alam mo ang tamang pest control.

At ganun rin ang mga atangya. Kaya rin sila masugpo at mapigilan sa pamamagitan ng iba’t-ibang epektibong pamamaraan, kagaya na lamang ng mga sumusunod:

Huwag Agad Gumamit ng Artipisyal na Pestisidyo

Kapag ang pinag-uusapan ay mga peste, ang unang pumapasok sa utak ng nakararami ay ang pag-gamit ng natural na pestisidyo. Nakakatukso man ito gamitin, mabuting iwasan mo ang temptasyong ito. Ang totoo niyan ay marami pa namang ibang paraan para tuligsain ang mga atangya nang hindi gumagamit ng nakakalason na kemikal.

Laging tandaan na ang lugar na siyang pagsasabuyan mo ng kemikal na pestisidyo ay mga pananim na palay, at ang ito ay kinakain ng tao.

Panatilihin ang Pangkalahatang Kalinisan ng Palayan

Minsan ay masyado nang nabibigyang atensyon ang pagtatanim at nakakalimutan na ang kalinisan ng palayan. Kagaya ng ipis at iba pang peste, lapitin ang atangya sa lugar na madudumi.

Tandaan na kapag sinabing kalinisan ng palayan, kabilang rito ang mga ligaw na damo na bigla na lamang tumutubo sa kung saan-saang parte ng palayan.

Kapag may napansin na tumutubong ligaw na damo, agarang tanggalin o bunutin ito dahil maaring pamahayan at pamugaran ang mga ito ng mga peste tulad ng antangya.

Gumamit ng mga Biological Control Agents

Kapag nakakita ka ng ibang insekto o organisms tulad ng mga gagamba at mga tipaklong, huwag itong paalisin o bugawin. Ang natatanging uri ng putakti na Gryon nixoni at uri ng amag na Beauveri bassiana ay maaari ring maituring na kaibigang organismo. Kung wala ang mga ito sa palayan ay maiging dalhin at paramihin ito doon.

Itong mga nasabing organismo ay maaring makatulong upang mabawasan ang bilang ng mga atangya dahil pwede nilang kainin ang mga pesteng ito.

Ang paggamit ng mga kaibigang organismo, kasabay ng iba pang pamamaraan ng pagsugpo sa mga atangya, ay subok at epektibong pamamaraan para patayin ang pesteng ito.

Magtanim ng Ilang Namumulaklak na Halaman

Dahil ang mga namumulaklak na halaman ay maaring pamahayan ng mga kaibigang organismo, mainam na magtanim ng mga ganitong halaman para siguradong tatagal ang mga kaibigang organismo.

Maari rin pagkuhanan ng pagkain ng ilang kaibigang organismo ang mga namumulaklak na halaman.

Maglagay ng mga Pain

Tulad sa pamamaraan ng paghuli sa mga isda, maiging pamamaraan ang maglagay ng pamain sa mga pesteng atangya.

Maaaring gumamit ng nabubulok na karne, kuhol, o isda na ipu-pwesto mo sa may bandang labas ng palayan. Sa gayon ay mahuhumaling at lalapit ang mga peste sa nasabing pamain.

Matapos lumapit ang mga peste, gumamit ng lambat para kolektahin ang mga ito, at tsaka mo sila sunugin.

Sabay-sabay Mag-tanim

Isang epektibong pamamaraan ng pagsugpo sa mga atangya, at iba pang nakakapinsalang peste, ay ang pagtatanim ng buong komunidad ng sabay-sabay.

Sa ganung paraan, sabay-sabay ang pag-asikaso sa buong palayan at tuluyang nabubugaw ang mga peste at hindi lamang nagpapalipat-lipat mula isang lugar papunta sa kabila.

Simulang Mag-alaga ng Itik

Ang mga itik ang siyang kakain sa mga atangya ate iba pang mahahanap na peste nito sa palayan.

Siguraduhin laman na walang kemikal tulad ng artipisyal na pestisidyo dahil maari naman itong makapinsala sa kalusugan ng mga itik.

Araruhin Agad ang Lupa

Ang agarang pag-araro sa lupa at paglagay ng mga dayami dito ay epektibong paraan dahil makakatulong ang mga ito upang tuluyang masira ang mga pinagpupugaran at pinamamahayan ng mga peste.

Tubigan ang Palayan

Kapag ang palayan ay binabad sa tubig ay aalis na sa mga tangkay ng palay ang mga peste. Dagdag pa rito ay hindi na tuluyang mabubuo ang mga itlog na naglalaman ng mga atangya.

Pagpuksa sa mga Peste tulad ng Atangya sa tulong ng Topbest Philippines

Maraming mahahanap na peste sa kapaligiran, at ang mga atangya ay iisa lamang sa halos hindi na mabilang na uri ng peste na mayroon ang mundo.

Ngunit nakakatakot man ang posibleng masamang dulot ng mga peste ay wala ka dapat ikabahala. Huwag kang mag-alala dahil ang Topbest ay laging handang sumaklolo sa iyo.

Kahit ano man ang iyong problema sa mga peste na nambubulabog sa iyong bahay ay kayang solusyonan ng Topbest.

Kung gusto mong malaman ang iba’t-ibang serbisyo na kayang gawin ng Topbest ay bisitahin niyo lang ang aming website.

At kung kailangan nyo ng karagdagang tulong, huwag kayong mahiyang tumawag dahil nagagalak ang kaming taga-Topbest na tumulong sa inyo.

Tandaan, basta may pesteng problema, ang Topbest ang lagi ninyong kasangga!