Hindi mo na dapat kailangan ng daan-daang rason para tumawag ng anay o pest control services sa oras na makakita ka ng bakas ng anay sa iyong tahanan. Sapat na dapat ang kaalaman na may kakayahan silang sirain ang istraktura at pundasyon ng iyong bahay sa loob ng maikling panahon.
Kung hindi ka naman kumbinsido na kaya nila itong gawin, marami pang ibang dahilan na maaring makapagkumbinsi sa iyo. Hindi lang naman ang pundasyon ng iyong bahay ang sinisira ng mga anay. Sa oras na makapasok sila sa iyong tahanan, hahanap at hahanap sila ng mga material at bagay na pwede nilang kainin at sirain.
Hindi mulat ang lahat ng tao sa buong kakayahan ng mga anay. Sa katotohanan, kahoy man ang pangunahing diyeta ng mga anay, hindi lamang ito ang kanilang pinagpipiyestahan. Marami pang maaring pagmulan ang kinakailangan nilang sustansya.
Inilista namin sa ibaba kung anu-ano ang mga bagay na ito:
Katulad nga ng nabanggit sa panimula, ang pangunahing pagkain ng mga anay ay kahoy o wood. Ang kahoy ay likas na siksik sa isang organic compound na tinatawag na cellulose. Ito ang pangunahing mineral na kailangan ng mga anay para mabuhay kaya naman kinahihiligan nilang kumain ng kahoy.
Mapa-anong uri ng anay pa yan, ang kanilang tanging tungkulin ay kumain ng kahoy upang mapanatiling masigla ang kanilang mga katawan. Hindi rin mahalaga ang klase ng kasangkapan, ang mahalaga lamang ay gawa ito sa kahoy. Pinto, upuan, o pundasyon man yan, basta gawa sa kahoy, siguradong unti-onti yang sisirain ng mga anay.
Dahil gawa ito sa kahoy, natural lamang na ang papel ay naglalaman ng cellulose na kailangan ng mga anay. Sa unang tingin, hindi ito gaanong nakababahala ngunit subukan nating isipin kung anong mga bagay ang gawa sa papel. Tissue, libro, mga dokyumento at higit sa lahat ay pera.
Kung kabilang ka sa mga taong nagtatabi ng pera sa bahay at inilalagay ito sa isang bamboo bank o kaya naman ay sa madilim at tagong sulok ng iyong kwarto, oras na para palitan ang iyong diskarte. Maraming nang tao ang nabiktima ng mga anay at nakain ang kanilang mga kayamanan dahil hindi nila ito naitago ng maayos.
Para maiwasan ito, siguraduhing metal ang pinagtataguan mo ng pera at ito ay maayos na nakasarado at hindi mapapasukan ng anay. Mabuti na ring dalhin sa bangko ang iyong pera kung saan ito mas ligtas mula sa anay.
Isa pang bagay na gawa sa kahoy at maaring pagkuhanan ng cellulose ng mga anay ay ang mga karton. Karaniwang ginagamit ang karton sa bahay para magtabi ng mga hindi na kailangang kagamitan. Pag kailangan magtabi ng mga damit o kaya naman ng mga appliances, kadalasan itong nilalagay sa loob ng kahon na karton.
Kung ang mga bagay na iyong tinatabi ay maari pa namang gamitin sa hinaharap, iwasang ilagay ito sa karton dahil maaari pa rin itong maabot ng mga anay at ng iba pag uri ng peste tulad ng daga.
Gumamit na lamang ng plastic na lalagyan para mas may proteksyon mula sa mga pesteng ito. Kung hindi naman na gagamitin pa ang mga bagay, itapon o ipamigay na lamang ang mga ito.
Madalang mangyari pero nakakaabot pa rin sa mga naka-pasong halaman ang mga anay. Kadalasang nangyayari ito kapag mainit ang panahon kung kailangan tuyo ang lupa at walang maaaring pagmulan ng moisture. Tumutungo sila sa mga paso na naglalaman ng halaman at kinakain ang mga ugat nito para makakuha ng moisture pati na rin ng kakaunting cellulose.
Para maiwasan ang pagkasira ng iyong mga halaman, iwasang idikit sa lupa ang mga paso para hindi ito pasukin ng mga anay. Mas mabuti nang ilagay ito sa nakasementong sahig para maprotektahan ito sa mapanirang anay.
Karamihan ng ating mga damit ay gawa sa cotton at linen na nagmula sa mga halaman kaya’t meron din itong mga cellulose. Madalang din naman itong mangyari ngunit posible lalo na kung nakahanap na ang mga anay ng paraan para makapasok sa iyong aparador.
Maari rin naman silang maakit sa iyong mga damit kung ang mga ito ay natapunan ng pagkain o inumin. Kahit pa ang habol lamang nila ay ang pagkain na nakadikit sa iyong damit, minsan ay umaabot na rin sila sa mismong tela at nagkakaroon na ang mga ito ng mga maliliit na butas.
Halos kahit anong bagay na mayroong cellulose ay maaring kainin ng anay kaya hindi ka na dapat mag-atubiling tumawag ng anay o pest control services. Kahit pa naghihinala ka pa lamang, mas mabuti nang humingi ng tulong mula sa mga eksperto para hindi masira ang iyong mga kagamitan.
Ipatingin mo na ang iyong bahay para malaman mo kung meron nga talagang mga anay na naninirahan dito. Ang aksyon na ito ang pinakamaganda at epektibong paraan para protektahan ang iyong tahanan mula sa mga epekto ng anay.
Copyright © 2013 - 2023 by Topbest. SEO by SEO-Hacker. Optimized and managed by Sean Si.